Sunday, July 29, 2007

salamin

matagal na ibinabad sa kanilang apoy:
niluto sa pugon, ibinilad sa araw,
kanilang pagsasamahang pinatatag?
pinalakas? pinatibay?

hinubog ng magaling na manlililok,
kinorte sa isang mahusay na hugis.
ehemplo ng walang kamalian.

disenyong makulay,
gawang hindi matatawaran, ngunit

hindi sinadiyang itabig.

nahulog mula sa kataas-taasan.
hindi niya nasalo. hindi rin niya nasalo.

nabasag sa mga mumunting piraso
at wala man lang makabuo.
natinik lang sa pagpulot.

sa patuloy na pagtulo ng dugo,
hindi mapigilan ang luhang tumutulo.
at tila hindi na makabangon
mula sa pagkakayuko.